Wika: Ang Daan Tungo sa Kalayaan
“ Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala. ” Dr. Jose Rizal
Ano ang unang pumapasok sa ating isipan kapag naririnig natin ang salitang wika? Agad nating naiisip na ito ay ang paggamit ng tunog at simbolo upang makipag-ugnayan sa iba. Subalit sa likod nito, may malalim at makapangyarihang papel ang wika sa ating lipunan. Sa pamamagitan nito, tayo ay nagiging malaya, malaya sa pagpapahayag ng ating mga saloobin, damdamin, at kaisipan. Ang wika ay hindi lamang isang kasangkapan sa komunikasyon, kundi isang instrumento ng kalayaan.
Ang poster na nasa itaas ay nagpapakita ng iba't ibang simbolo na naglalarawan ng kapangyarihan ng wika bilang isang daan sa pagpapalaya. Sa gitna ng poster, makikita ang isang araw na sumisikat, simbolo ng pag-asa at bagong simula. Pinapakita dito na tayo ay umuunlad gayundin ang ating wika.
Sa ibaba ng araw, makikita ang isang sulo na naglalabas ng apoy, simbolo ng kaalaman at pag-aaral. Ang sulo ay nakapatong sa isang libro, na nagpapahiwatig ng kahalagahan ng edukasyon sa pagpapalaya. Ang libro ay may iba't ibang kulay, na nagpapakita ng iba't ibang uri ng kaalaman na maaaring makuha sa pamamagitan ng wika.
Sa kanan ng araw, makikita ang isang daigdig na may mga puno at mga gusali, na nangangahulugan ng pag-unlad at kapayapaan. Ang daigdig ay may katabi na isang sanga ng puno, na nagpapahiwatig ng koneksyon ng wika sa kalikasan at sa mundo. Ang sanga ng puno ay may mga dahon, na nagpapakita ng paglago at pag-unlad na maaaring makuha sa pamamagitan ng wika.
Sa ibaba ng daigdig, makikita ang mga tao na nagsasalita, simbolo ng komunikasyon at pakikipag-ugnayan. Ang mga tao ay may iba't iba mang kulay ng balat na nagpapahiwatig ng pagkakaiba iba, subalit ito rin ay nagpapakita ng pagiging malawak ng wika. Ang mga tao ay nagsasalita ng iba't ibang wika, na nagpapakita ng pagiging importante ng wika sa kabila ng kaibahan ng kanilang ginagamit na salita. Makikita rin natin sa ibaba ang larawan ni Manuel L. Quezon na siyang Ama ng Wikang Pambansa.
Kaya, sa huli, ang wika natin, ang ating sariling wika, ay hindi lang basta salita. Para sa akin, ito ang solusyon sa pagiging tunay na malaya. Kapag nagagamit natin ito nang buong puso, parang lumilipad tayo na para bang walang hadlang. Parang nakakakuha tayo ng lakas ng loob na magsalita ng totoo, na ipaglaban ang tama at ibahagi ang ating mga kuwento. At sa paggawa nito, parang mas lalo nating nararamdaman ang pagiging Pilipino, ang pagiging parte ng isang malaking pamilya na nagkakaisa sa iisang wika.
Airene I. Constante
11-Sapphire
KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK

Comments
Post a Comment